Thursday, January 6, 2011
Unang pasayaw sa taong 2011!
May napasayaw na uli ako, at unang session ito para sa taong kasalukuyan. Maganda naman ang mga nangyari, as usual, kakaiba – ang bilis nga nagsimula at natapos ang session eh! Sana masundan pa ng marami….
Babaeng kaibigan siya ng kaibigan kong babae (oh say!). Ngayon lang uli sila nagkita…eh nagkataon namang dumalaw ako sa kaibigan ko, kaya ayun, nagkakilanlan kami. Dati ko na siyang kilala sa pangalan at reputasyon, Josephine “Jojo” Cagurangan, at ngayon, ayon sa kanya, isa na raw siyang ley na madre. Dati kasi, ‘di kami masyadong nagkakausap (iba pa kasi ako n’un), kahapon lang talaga medyo naging wild ang pag-uusap namin. Nabalitaan nya na ang inner dance, marami siyang kilala na nakapag-inner dance na, at siyempre, very curious siya kung ano ito, kaya gusto nyang maranasan ‘yun… kaya, ayun, pagkakataon na kagabi!
At pagkatapos nga naming magkwentuhan ng matagaaaal sa hapunan sa bahay ng kaibigan naming, si Pam, ayun, nagsimula na kami.
As usual, kakaiba na naman ang nangyari… ang bilis niyang nakapag-inner dance…konting minuto lang, dire-diretso na kaagad sayaw niya. May injury kasi siya sa kaliwang tuhod, kaya medyo doon nag-concentrate o focus ang galaw ng mga kamay ko at katawan nya. May mga pagkakataong pinahiga at pinatayo ko siya, tapos inuunat-unat at binabaluktot ang paa at tuhod nya, na talaga namang medyo napapahiyaw siya sa sakit (kasama talaga sa session ‘yun!), pero sa bandang huli, umaliwalas na mukha niya.
At ilang minuto pa nga, lumabas na ‘yung sarili nyang sayaw! Siya ng mag-isa ang sumasayaw, kusa na siyang tumayo, nagpapadyak, iniuunat-unat ang mga kamay niya at nag-ala-Igorot na sayaw. Tapos, hinayaan ko lang. Ako naman, sayaw na rin ng para sa akin…tapos napansin ko ‘yung isang kaibigan namin, si Pam, inner dance na rin siya…kakaiba na naman!
Mga 45 minuto kaming sayaw tapos, kusa ng tumigil at natapos…at siyempre, iisa ang hinahanap pagkatapos, TUBIG!
Pahinga, usapan at katanungan ang sumunod na mga pangyayari.
As usual, sa inner dance – MAHIRAP IPALIWANAG, PERO MADALING MARANASAN, AT KAPAG NARANASAN MO NA, MAHIRAP PA RING MAIPALIWANG – pero very relieved at satisfied ka naman kung ano ‘yung nangyari…ika nga eh, namnamin mo na lang ‘yung naranasan mo na kakaiba.
Sa usapan namin, naitanong kung bakit Igorot na sayaw ang ginawa ni Jojo? Kasi may dugong Igorot pala siya, so, nakatatak na sa etheric nya ang sayaw ng Igorot (so, isang realization ko bigla, na ang Igorot dance ay nagmula sa inner dance…). Tapos sa huling bahagi ng session o sayaw, pagmulat nya may nakita raw siyang magandang babaeng nakabelo na nakangiti sa kanya – okay, kakaiba ito kasi, kadalasan feminine presence lang ang manifestation, pero sa kanya, nakita nya talaga! Hindi nya kilala ang babae, pero okay lang naman daw na nginitian siya. Sa una, akala nya, nanay nya na matagal ng patay ang nakita nyang babae, pero hindi raw, parang matanda na bata o bata na matanda ang itsura…pero okay lang naman daw, hindi naman raw siya natakot d’un sa babae.
‘Si Pam naman, grabeh din ang ginawa nya…parang cataharsis na rin dahil kakaiba sa dati nyang sayaw ang ginawa nya, para siyang sirkero sa mga pinaggagawa niya. Sabi ko, parang matagal na hindi siya nakapag-inner dance kasi mukhang sabik na sabik ang katawan nyang sumayaw eh! Napangiti siya, aminado na kapag nagse-session lang daw ako sa bahay nya nakakapagsayaw ulit.
Medyo lumalalim na ang gabi, kaya tinapos na namin ang usapan. Marami pang gusto sanang pag-usapan, kaso kailangan ko pang magbyahe pauwi. Bago kami maghiwalay, napagtanto ni Jojo na ultimo siya, na marami ng naging karanasan sa buhay at mahilig humanap ng mga kasagutan sa mga katanungan, ay hindi maipaliwanag ang inner dancing, heheheh, ayos!:D
Sunday, March 15, 2009
Ang sayaw Part 2
Hapon o pagabi na ako nakarating nga Batasan, Makilala,Cotabato. Mahigit dalawang (2) oras ang byahe galing
Pagdating ko d’un, naghapunan na muna’t nagpahinga ng kaunti, saka umakyat sa may Trinitas para mag-session.
Naroon ang isa ko pang kaibigan, si Rosalie o Rose kung tawagin namin ng Enigmata, at isa rin siya sa mga nag-facilitate ng inner dancing. The usual na set-up, malawak na lugar, patay ang ilaw, kandila lang ang ilaw, insenso o scented oil at musika.
May nauna na sa aking isalang, o nag-i-inner dancing na, ako medyo nainggit, sabi ko na lang sa sarili ko, ako din!
Ako na. Umupo sa sahig at ipinikit ang mata. Nagdasal, kasi parang medyo natakot ako. At Nakiramdam.
Nakiramdam.
Sa isip ko, wala namang nangyayari…tapos, may kumukurot-kurot pa sa ‘kin sa braso. May sumusundot-sundot pa sa likod ko. Kinakagat-kagat (?) ang talampakan ko.
Ako, nakiramdam lang.
Tapos, ang paa ko, pilit pinagagalaw. Pinagdampi ang mga pisngi ng mga talampakan namin at pilit na ginigiya ang aking mga paa para gumalaw. Ako, wala lang…pagbigyan. Nakakiniis na nga eh.
Wala pa rin.
Tapos, mayamaya, ng parang nainis na ko sa sarili ko, at walang nangyayari, hinayaan ko na nga lang. Inalis lahat ang nasa isip ko.
Parang biglang gumaan ang pakiramdam ko! At biglang nagdilim. Maski naman nakapikit ka eh alam mo naman ang paligid mo kung maliwanag o hindi. Tapos, parang may disco lights. Patay-sindi ang mga ilaw at ang dami. Nasa spotlight yata ako? Tapos pulang araw? Nakatutok o nakatingin ako diretsa sa pulang araw? Iyan ang mga nasa isip ko n'un.
Gumagalaw ang kamay ko…kusa!
Bakit gan’un? Tanong ko sa sarili ko.
Nagpagulong-gulong ako sa sahig.
Pati mga paa ko gumagalaw na rin. Parang elisi ng helicopter ang mga paa ko! Umiikot!
At ako, umaangil!
Tapos, tumayo ako, at patuloy pa rin ang pagsayaw. Nag lambot ng katawan ko…teka, hindi ako marunong magsayaw, bakit malambot ngayon ang katawan ko sa pagsayaw? Tanong ko sa sarili ko.
Tapos, ang mga kamay ko, parang sa mga taga-Thailand ang sayaw. Parating wavy ang movement. Maski mga daliri ko, hindi ko makontrol, malantik na malantik! Tapos, parang mga elisi pa uli, umiikot ng mabilis ang mga kamay at braso ko!
At umaangil pa rin ako! Inis na inis!
…pero masarap….
Tapos, patuloy lang ang pagsayaw ko…tapos, sa isip ko, habang nakapikit pa rin, iba na ‘yung nakikita ko…malalim na balon…ang lalim-lalim! Hindi ko makita ang pinakailalim.
Tapos, parang gumaan uli, parang may flash ng kamera, dumilim uli at iba na uli nakita ko. Mga nakalutang na bato. Malalaking bato. Nakalutang. Nakahilera, parang asteroid belt…pati background, parang space. Tumingin ako sa paa ko, nakatayo pala ako sa isa sa mga malaking bato.
Tapos, may flash uli, dumilim na uli at nagmulat ako.
Unang salita ko, “pahinging tubig”.
Nakalimang basong punong-puno ng tubig, sunod-sunod kong nilagok. Pawisan at pagod na pagod ako.
Nang medyo nahimasmasan na ako, saka ko lang napansin, sa akin pala nakatingin ang lahat. Tapos, niyakap nila ako at mga nakangiti.
Pahinga muna…at siyempre puro tanong!
Sinabihan muna akong huwag mag-isip ng mga tanong, damhin at lasapin ko raw muna ang mga nangyari.
Naupo kami at ikinuwento sa akin ang mga pinaggagawa ko.
Grabeh, nakangiti lang ako…hindi ko akalain na gan’un ang mga pinaggagawa ko.
At hindi ako makapaniwala, nakapagsayaw ako!
Ang sarap ng pakiramdam at ang gaan ng katawan. Tapos, kapag nagsasalita ako, tungkol sa mga naranasan ko, kasabay ng paggalaw o pagsayaw ng mga kamay ko.
Mga tanong at kasagutan. Catharsis na pala ‘yung ginawa ko, sa porma ng pagkainis o pag-angil. Nag-out of body experience ako o astral travel daw ako. Sa space pa raw! Kasi planetang Saturn daw ‘yung lugar na pinuntahan ko base sa pagkakalarawan ko. Ang sarap ng pakiramdam.
Apat (4) na oras o maghigit pa pala akong walang tigil sa pagsasayaw noon.
Ang sarap ng tulog ko pagkatapos.
Kinabukasan, pumunta muna kami sa may hot spring sa itaas at meron d’ung parang maliit na swimming pool.
Kinahapunan, balik na uli akong
Kaya hanggang
Heps, may nangyari pa pagkatapos, pero sa susunod na uli….
Tuesday, February 17, 2009
Ang sayaw part 1
Pangniloloob na sayaw o inner dancing?
Sa mga susunod na araw o artikulo, ito ang isusulat ko rito, para kapag may nagtanong, dito ko na lang ituturo para basahin nila, hehehe, kapoy mag-istorya eh! Taas kaayo!
Tanda ko pa noon, mga gitnang bahagi ng taong 2007, sinamahan ko lang ang bosing ko n’un, si Ate betsy, na i-meet ang isang lalake sa may Ponce Suites noon sa Davao City. Sumama lang ako kasi interesado ako n’un sa Ponce Suites, kasi balita ko, hotel ‘yun na parang museyo. Sa bawat palapag raw, sulok at mga kwarto na naroon, punong-puno ‘yun ng mga likha o gawang sining ng may-ari n’un, si Kublai!
Sa isip ko n’un, bahala sila mag-meeting, basta ako, kasama ang anak niya, sa hotel kami interesado. Pagkatapos ng pormal na pagpapakilanlan, si Kali Pi Mu pala ang pangalan niya, Pi for short, iniwan muna namin sila at ginalugad namin ang buong hotel. Parang kaming mga batang nakawala sa kural at naghahagikgikan pang mabilis na tumalilis.
Grabeh nga ‘yung hotel, hanep sa mga nakalagay d’un!
Noong matapos nang mabusog ang aming mga mata at damdamin sa galing at ganda ng mga naka-display d’un, balik na uli kami sa may bosing ko. Hindi pa rin sila tapos mag-usap at mukhang napapasarap pa. Konting naki-chika na rin ako. Kakaibang tumingin si Pi, parang tagusan, tapos nakapagtataka, lagutokan parati ang katawan niya sa bawat kilos niya.
Lagutukan.
Lagutukan, na parang nagpapalagutok ka ng mga daliri mo sa kamay. Gan'ung lagutok. Sa isip ko, WEIRD.
Tapos n’ung napapunta na sa "inner dancing" ang kwento, bigla nag-anyaya si Pi para sa isang session. Kasi sabi niya, mas masarap o madali raw maranasan ang inner dancing kaysa ipaliwanag. Mas magkakaintindihan daw kami. So, mabait naman kami at game, sige lang sa anyaya.
Pumasok kaming kahat sa isang conference room ng hotel. Nagsindi si Pi ng isang kandila. Binuksan ang isang botelyang may mabangong langis. Naupo kami ng lahat ng pabilog para kita ang bawa-isa at pinatay ang ilaw. Lima pala kami, dalawang (2) bosing na sina Kuya Nono at Ate Betsy, anak ni ate na si Kahlil at kasama ko sa trabaho na si May - pang-anim pala si Pi.
Nagsalita si Pi kung anong mangyayari. Dapat daw, wala kaming iniisip. Relax lang. Don’t expect something. Kung pakiramdam namin na gustong may gawin o ikilos ang mga kamay o katawan namin, sundin lang.
Nagsimula na.
Nagpatugtog ng maganda at malumanay na musika.
Una n'yang pinuntahan si ate. Pinapikit nya si ate, tapos pumunta si Pi sa likod nya at nagsimulang magkukumpas, iwasiwas ang mga kamay sa hangin, sumayaw at pindot-pindutin ang likod ni ate. Abah, malambot pala ang katawan ni ate, sa loob ko. Paano kaya kung ako na eh, matigas ang katawan ko, kahiya naman, bulong ko sa sarili ko.Lahat kami nakamasid sa mga ginagawa nila. Ang lambot at ang ganda ng sayaw nila. Tapos umalis na si Pi at sa akin na pumunta. Si ate, diretso pa rin sa pagsayaw maski nakaupo.
Ako naman, pumikit na, tapos nakiramdam kung anong gagawin sa akin.
Nakiramdam.
Nakiramdam. Wala pa rin. May gumagalaw sa likuran ko. 'yun lang. Tapos parang gina-guide ang mga kamay ko na igalaw. Eh 'di igalaw. Tapos n'un, wala na.
Nakiramdam uli.
Wala pa rin. Tapos parang may pwersa, itinutulak ako pahiga. Bumigat ang aking katawan. Natakot ako, baka bumagsak ako. Masakit 'yun, samento babagsakan eh. May sumalo sa likod ko, tapos ang bigat ng katawan ko. Tapos tuluyan na akong napahiga. Dahan-dahan. Nakipikit pa rin.
Nakiramdam.
Wala pa rin.
Tapos, medyo sumilip ako.
Nasa ibang kasamahan ko na pala si Pi. Si ate, nagsasayaw pa rin habang nakaupo. Si kuya Nono nagsasayaw na rin. Pati na rin si May. tapos si Kahlil, pabagsak din sa sahig.
Eyng?
Natapos ang session. Itinigil ang musika. Tumigil sa pagsasayaw ang mga nagsasayaw. Nagmulat ng mga mata. Dalawa kaming nakahiga sa sahig.
Kuwentuhan. Sharing kung anong nangyari o naramdaman.
Ako, wala lang, malungkot. Pero sa loob ko tanong ko, bakit ‘di ako nagsayaw?
Nag-share na si Pi.
Huwag daw akong malungkot. Gan'un lang daw. Huwag pilitin kung ayaw. May epekto rin daw kasi 'yung lugar. Inaamin nya, medyo negative vibes daw sa hotel, kasi mga angst ng artist ang naka-display 'dun, kaya raw medyo apektado ako at si Kahlil. Sa amin daw medyo malakas ang epekto o hatak ng lugar. Sa susunod daw na session, baka daw maayos na.
Nag-invite nga si ate na mag-session daw kami sa lugar nila sa Makilala, Cotabato. Nasiyahan kasi siya at gusto nya malaman ang mangyayari kung d'un gaganapin.
Nagkaayos nga at nag-schedule d'un.
Doon na 'yung mas okay na mga nangyari. Pero sa susunod na, medyo mahaba na eh....
Saturday, February 14, 2009
Panimula
Kailangan kong ihiwalay ito kasi medyo kakaiba at hindi nababagay d'un sa dati kong blog. D'un kasi medyo bastos ako o medyo mortal eh, hehehe...tao lang po!
Dito medyo hindi. May mga bagay-bagay akong isusulat dito na medyo kakaiba at hindi nababagay d'un. Mataas kasi paggalang ko sa inner dancing eh.
So, 'yun na muna. Marami pang susunod, hehehe...
...isang MAPAGPALAYANG PANGNILOLOOB NA SAYAW sa lahat na magagawi dito!