Sunday, March 15, 2009

Ang sayaw Part 2

Tanda ko n’un, isang lingo ang nakalipas pagkatapos ng mga nangyari sa Ponce Suites, bago ako nakapagsayaw na talaga ng inner dancing.

Hapon o pagabi na ako nakarating nga Batasan, Makilala,Cotabato. Mahigit dalawang (2) oras ang byahe galing Davao. Doon kasi ang main office namin at nag-schedule ng session para sa inner dancing. Alam ko n’un, nauna na’yung bosing ko at iba pang mga kasamahan na mag-inner dancing, kaya talagang pinauwi ako para subukan daw.

Pagdating ko d’un, naghapunan na muna’t nagpahinga ng kaunti, saka umakyat sa may Trinitas para mag-session.

Naroon ang isa ko pang kaibigan, si Rosalie o Rose kung tawagin namin ng Enigmata, at isa rin siya sa mga nag-facilitate ng inner dancing. The usual na set-up, malawak na lugar, patay ang ilaw, kandila lang ang ilaw, insenso o scented oil at musika.

May nauna na sa aking isalang, o nag-i-inner dancing na, ako medyo nainggit, sabi ko na lang sa sarili ko, ako din!

Ako na. Umupo sa sahig at ipinikit ang mata. Nagdasal, kasi parang medyo natakot ako. At Nakiramdam.

Nakiramdam.

Sa isip ko, wala namang nangyayari…tapos, may kumukurot-kurot pa sa ‘kin sa braso. May sumusundot-sundot pa sa likod ko. Kinakagat-kagat (?) ang talampakan ko.

Ako, nakiramdam lang.

Tapos, ang paa ko, pilit pinagagalaw. Pinagdampi ang mga pisngi ng mga talampakan namin at pilit na ginigiya ang aking mga paa para gumalaw. Ako, wala lang…pagbigyan. Nakakiniis na nga eh.

Wala pa rin.

Tapos, mayamaya, ng parang nainis na ko sa sarili ko, at walang nangyayari, hinayaan ko na nga lang. Inalis lahat ang nasa isip ko.

Biglang may kakaibang naramdaman.

Parang biglang gumaan ang pakiramdam ko! At biglang nagdilim. Maski naman nakapikit ka eh alam mo naman ang paligid mo kung maliwanag o hindi. Tapos, parang may disco lights. Patay-sindi ang mga ilaw at ang dami. Nasa spotlight yata ako? Tapos pulang araw? Nakatutok o nakatingin ako diretsa sa pulang araw? Iyan ang mga nasa isip ko n'un.

Gumagalaw ang kamay ko…kusa!

Sumunod ang katawan ko…mga paa ko…naiinis ako! Bakit sila gumagalaw? Pilit kong gustong itigil, pero mas gusto ko na gumagalaw sila ng sarili nila!

Bakit gan’un? Tanong ko sa sarili ko.

Nagpagulong-gulong ako sa sahig.

Pati mga paa ko gumagalaw na rin. Parang elisi ng helicopter ang mga paa ko! Umiikot!

At ako, umaangil!

Tapos, tumayo ako, at patuloy pa rin ang pagsayaw. Nag lambot ng katawan ko…teka, hindi ako marunong magsayaw, bakit malambot ngayon ang katawan ko sa pagsayaw? Tanong ko sa sarili ko.

Tapos, ang mga kamay ko, parang sa mga taga-Thailand ang sayaw. Parating wavy ang movement. Maski mga daliri ko, hindi ko makontrol, malantik na malantik! Tapos, parang mga elisi pa uli, umiikot ng mabilis ang mga kamay at braso ko!

At umaangil pa rin ako! Inis na inis!

…pero masarap….

Tapos, patuloy lang ang pagsayaw ko…tapos, sa isip ko, habang nakapikit pa rin, iba na ‘yung nakikita ko…malalim na balon…ang lalim-lalim! Hindi ko makita ang pinakailalim.

Tapos, parang gumaan uli, parang may flash ng kamera, dumilim uli at iba na uli nakita ko. Mga nakalutang na bato. Malalaking bato. Nakalutang. Nakahilera, parang asteroid belt…pati background, parang space. Tumingin ako sa paa ko, nakatayo pala ako sa isa sa mga malaking bato.

Tapos, may flash uli, dumilim na uli at nagmulat ako.

Unang salita ko, “pahinging tubig”.

Nakalimang basong punong-puno ng tubig, sunod-sunod kong nilagok. Pawisan at pagod na pagod ako.

Nang medyo nahimasmasan na ako, saka ko lang napansin, sa akin pala nakatingin ang lahat. Tapos, niyakap nila ako at mga nakangiti.

Pahinga muna…at siyempre puro tanong!

Sinabihan muna akong huwag mag-isip ng mga tanong, damhin at lasapin ko raw muna ang mga nangyari.

Naupo kami at ikinuwento sa akin ang mga pinaggagawa ko.

Grabeh, nakangiti lang ako…hindi ko akalain na gan’un ang mga pinaggagawa ko.

At hindi ako makapaniwala, nakapagsayaw ako! Hahahah!

Ang sarap ng pakiramdam at ang gaan ng katawan. Tapos, kapag nagsasalita ako, tungkol sa mga naranasan ko, kasabay ng paggalaw o pagsayaw ng mga kamay ko.

Mga tanong at kasagutan. Catharsis na pala ‘yung ginawa ko, sa porma ng pagkainis o pag-angil. Nag-out of body experience ako o astral travel daw ako. Sa space pa raw! Kasi planetang Saturn daw ‘yung lugar na pinuntahan ko base sa pagkakalarawan ko. Ang sarap ng pakiramdam.

Apat (4) na oras o maghigit pa pala akong walang tigil sa pagsasayaw noon.

Ang sarap ng tulog ko pagkatapos.

Kinabukasan, pumunta muna kami sa may hot spring sa itaas at meron d’ung parang maliit na swimming pool. Doon nag-inner dance pa rin kami. May baon na i-pod at speakers para sa musika. Maski sa tubig, eskandalosa pa rin ang sayaw ko. Paikot-ikot ako sa tubig! Ang galling at ang sarap ng pakiramdam! Maski paghinga sa ilalim na sa ritmo ng inner dance. At ramdam na ramdam ko ang enerhiya sa tubig!

Kinahapunan, balik na uli akong Davao at…maski nasa van ako n’un, galaw ng galaw o nagsasayaw ang mga kamay ko. Pumuwesto ako sa pinakahuli para hindi masyadong pagtinginan ng mga pasahero. Kaso, ‘yung katabi ko naman ang tingin ng tingin sa akin. Wala kong pakialam, masarap gawin eh, heheheh.

Kaya hanggang Davao, nag-i-inner dance ako.

Heps, may nangyari pa pagkatapos, pero sa susunod na uli….



Bookmark and Share

2 comments:

  1. Mistress Johnny, kailangan ba walang emotional burden yung tao para maka-experience ng inner dancing?

    ReplyDelete
  2. well, it would help, para catharsis kaagad...pero actually, pang-alis nga ng stresses or emotional burdens ang inner dancing....

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails