Pangniloloob na sayaw o inner dancing?
Sa mga susunod na araw o artikulo, ito ang isusulat ko rito, para kapag may nagtanong, dito ko na lang ituturo para basahin nila, hehehe, kapoy mag-istorya eh! Taas kaayo!
Tanda ko pa noon, mga gitnang bahagi ng taong 2007, sinamahan ko lang ang bosing ko n’un, si Ate betsy, na i-meet ang isang lalake sa may Ponce Suites noon sa Davao City. Sumama lang ako kasi interesado ako n’un sa Ponce Suites, kasi balita ko, hotel ‘yun na parang museyo. Sa bawat palapag raw, sulok at mga kwarto na naroon, punong-puno ‘yun ng mga likha o gawang sining ng may-ari n’un, si Kublai!
Sa isip ko n’un, bahala sila mag-meeting, basta ako, kasama ang anak niya, sa hotel kami interesado. Pagkatapos ng pormal na pagpapakilanlan, si Kali Pi Mu pala ang pangalan niya, Pi for short, iniwan muna namin sila at ginalugad namin ang buong hotel. Parang kaming mga batang nakawala sa kural at naghahagikgikan pang mabilis na tumalilis.
Grabeh nga ‘yung hotel, hanep sa mga nakalagay d’un!
Noong matapos nang mabusog ang aming mga mata at damdamin sa galing at ganda ng mga naka-display d’un, balik na uli kami sa may bosing ko. Hindi pa rin sila tapos mag-usap at mukhang napapasarap pa. Konting naki-chika na rin ako. Kakaibang tumingin si Pi, parang tagusan, tapos nakapagtataka, lagutokan parati ang katawan niya sa bawat kilos niya.
Lagutukan.
Lagutukan, na parang nagpapalagutok ka ng mga daliri mo sa kamay. Gan'ung lagutok. Sa isip ko, WEIRD.
Tapos n’ung napapunta na sa "inner dancing" ang kwento, bigla nag-anyaya si Pi para sa isang session. Kasi sabi niya, mas masarap o madali raw maranasan ang inner dancing kaysa ipaliwanag. Mas magkakaintindihan daw kami. So, mabait naman kami at game, sige lang sa anyaya.
Pumasok kaming kahat sa isang conference room ng hotel. Nagsindi si Pi ng isang kandila. Binuksan ang isang botelyang may mabangong langis. Naupo kami ng lahat ng pabilog para kita ang bawa-isa at pinatay ang ilaw. Lima pala kami, dalawang (2) bosing na sina Kuya Nono at Ate Betsy, anak ni ate na si Kahlil at kasama ko sa trabaho na si May - pang-anim pala si Pi.
Nagsalita si Pi kung anong mangyayari. Dapat daw, wala kaming iniisip. Relax lang. Don’t expect something. Kung pakiramdam namin na gustong may gawin o ikilos ang mga kamay o katawan namin, sundin lang.
Nagsimula na.
Nagpatugtog ng maganda at malumanay na musika.
Una n'yang pinuntahan si ate. Pinapikit nya si ate, tapos pumunta si Pi sa likod nya at nagsimulang magkukumpas, iwasiwas ang mga kamay sa hangin, sumayaw at pindot-pindutin ang likod ni ate. Abah, malambot pala ang katawan ni ate, sa loob ko. Paano kaya kung ako na eh, matigas ang katawan ko, kahiya naman, bulong ko sa sarili ko.Lahat kami nakamasid sa mga ginagawa nila. Ang lambot at ang ganda ng sayaw nila. Tapos umalis na si Pi at sa akin na pumunta. Si ate, diretso pa rin sa pagsayaw maski nakaupo.
Ako naman, pumikit na, tapos nakiramdam kung anong gagawin sa akin.
Nakiramdam.
Nakiramdam. Wala pa rin. May gumagalaw sa likuran ko. 'yun lang. Tapos parang gina-guide ang mga kamay ko na igalaw. Eh 'di igalaw. Tapos n'un, wala na.
Nakiramdam uli.
Wala pa rin. Tapos parang may pwersa, itinutulak ako pahiga. Bumigat ang aking katawan. Natakot ako, baka bumagsak ako. Masakit 'yun, samento babagsakan eh. May sumalo sa likod ko, tapos ang bigat ng katawan ko. Tapos tuluyan na akong napahiga. Dahan-dahan. Nakipikit pa rin.
Nakiramdam.
Wala pa rin.
Tapos, medyo sumilip ako.
Nasa ibang kasamahan ko na pala si Pi. Si ate, nagsasayaw pa rin habang nakaupo. Si kuya Nono nagsasayaw na rin. Pati na rin si May. tapos si Kahlil, pabagsak din sa sahig.
Eyng?
Natapos ang session. Itinigil ang musika. Tumigil sa pagsasayaw ang mga nagsasayaw. Nagmulat ng mga mata. Dalawa kaming nakahiga sa sahig.
Kuwentuhan. Sharing kung anong nangyari o naramdaman.
Ako, wala lang, malungkot. Pero sa loob ko tanong ko, bakit ‘di ako nagsayaw?
Nag-share na si Pi.
Huwag daw akong malungkot. Gan'un lang daw. Huwag pilitin kung ayaw. May epekto rin daw kasi 'yung lugar. Inaamin nya, medyo negative vibes daw sa hotel, kasi mga angst ng artist ang naka-display 'dun, kaya raw medyo apektado ako at si Kahlil. Sa amin daw medyo malakas ang epekto o hatak ng lugar. Sa susunod daw na session, baka daw maayos na.
Nag-invite nga si ate na mag-session daw kami sa lugar nila sa Makilala, Cotabato. Nasiyahan kasi siya at gusto nya malaman ang mangyayari kung d'un gaganapin.
Nagkaayos nga at nag-schedule d'un.
Doon na 'yung mas okay na mga nangyari. Pero sa susunod na, medyo mahaba na eh....
No comments:
Post a Comment